Filipino poem dedicated to the person who made me aspire to be an educator.
Sa isang peryahang lahat tayo ay kabilang,
May mga nakabihis at nakaaaliw na nilalang,
Nagtatanghal nang puno ng kolorete sa muka,
Pati ng mga maskarang di agad nakikita.
Sa bahagi ng peryang kaunti lang ang nakakaalam,
May mga nais makasaksi ng mga bagay na nakasusuklam,
Ang mga tao’y nagsisidatingan nang may pagaalinlangan,
Mga damdaming sumasabay sa saliw ng mga latigong naghahampasan,
Sa seldang entabladong puno ng ilaw at palamuti,
Mayroong batang naaliw – ninais manatili,
Hindi namangha sa tsubibo at mga payaso,
Hindi nabighani sa sirenang umaawit ng kung anu-ano.
Pumasok sa loob nang hindi namamalayan,
Namangha sa misteryong naramdaman,
Ang mabangis na leon ay kanyang nasilayan,
Mahimbing na natutulog sa kasuluk-sulukan.
Nasilayan ang bakas ng pagod at hapo,
Sa mga paso ng apoy at hampas ng latigo,
Mga sinisigaw upang siya’y mapatalon,
At maipakita ang kakayahang lagpasan ang kahon.
Ngunit ang palabas na ito ay kakaiba,
Hindi tulad sa madalas ninyong nakikita,
Ang leon ay mabangis at nakatatakot nga,
Mangangalmot, mangangagat pag nagkamali ka.
Maraming natakot ngunit ang bata’y nahumali,
Nasilayan ang karahasang hindi lahat ay nakasasaksi,
Karahasang nagtuturo ng katotohanan,
Katotohanang taliwas sa labas ng seldang entabladong puno ng kasinungalingan.
Comments