Lumingon ka, Nandito ako sa lugar kung saan ka nagpunta, Nagpagala-gala at nag-iwan ng bakas ng ‘yong mga yapak, Ngiting nagbigay liwanag sa bawat sulok ng eskinita.
Nais kong sukatin ang iyong layo gamit ang aking mga paa, Pasmadong mga kamay na di magawang tantyahin kung kailan bibitaw, Mga posteng umaalalay sa mga ilaw na napupundi na.
Lumingon ka, Di man ako sigurado kung natatanaw mo ba, Naaaninag ang aking pagkaway, Dahil 'di naman sa akin nakatutok ang ‘yong mga mata.
Alam kong may hinahanap ka.
Tinatanaw, hinihintay,
Kung kaya ko’y tutulungan pa kita.
Lumingon ka, Sa'king pagsigaw at paglundag upang makita mo ako,
Upang malaman kung kaya bang palapitin ng mga ingay ang iyong pagtingin,
- ngunit malayo ang ‘yong tanaw.
Lumingon ka, Ngunit hindi ako ang iyong nakita, Alam kong nilalamig ka na - pasensya na't wala akong payong na dala.
Isang hakbang lamang ang distansya nang tumungo ka sa direksyon ko, Ngunit nilagpasan mo ako - Tumakbo, Dumirediretso. Sa kanya’y nakita mo ang tahanang sisilungan mo.
Wag ka nang magpa-ulan, kaya’t sumilong ka na.
Comments