Tagalog. Filipino. Wikang Pambansa. Simbolo ng pagkakaisa. Simbolo ng pagkakakilanlan. Wika ang magbubuo sa kakanyahang Pilipino. Ito ang ilan sa mga salita’t pariralang naka-ukit na sa daan-daang mga sanaysay na ang naglalahad tungkol sa kahalagahan ng wikang Filipino at ang paggamit nito tungo sa kaunlaran ng ating lipunan. Propesyunal na manunulat man o mag-aaral man sa sekundaryang lebel, ang mga indibiduwal na ito na mulat sa bigat ng reponsibilidad ng pagpapalaganap ng paggamit ng wikang Filipino ay may kanya-kanyang punto at saloobin na ibinibigay, ngunit ang lahat ng ito ay tungo sa isang layunin. Mistulang paulit-ulit na itong pilit itinatanim sa ating mga puso’t isipan bilang mga Pilipino.
Ito’y sapagkat ang pag-iisip ng bansa ay nag-uugat sa isang wikang panlahat na umuunlat at sumisibol na kaalinsabay ng pagsulong ng bansa. - Dr. Jose Rizal
Ngunit sa paglipas ng panahon, ‘tila hindi pa ‘din natin sigurado kung tunay nga bang nagkakaroon ng pagbabago sa estado ng ating lipunan ang Wikang Filipino bilang wikang pangkaunlaran. Marahil marami pa din ang ‘di tunay na nakakaintindi na sa pagtanggap ng responsibilidad ng pag-aaral at pagpapayabong ng ating sariling wika, hindi ibig-sabihin nito na kailangan na nating talikdan ang wikang Ingles.
Hindi kaya ay marahil hanggang ngayon ay madami pa rin ang nakikipagtalo sa kung ano nga ba ang dapat bigyan ng halaga - Wikang Filipino o Wikang Ingles?
Subukan muna nating ihalintulad ang pananaw ng ating bansa ukol sa wika, mula sa iba nating karatig bansa sa Timog Asya tulad ng Singapore at Indonesya. Sa ating bansa, mariin na ipinaglalaban ng mga Pilipino ang paggamit ng Wikang Filipino sa sistema ng ating edukasyon. Mayroon pang mga organisasyon tulad ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika na patuloy lumalaban upang bigyang halaga ang ating sariling wika sa edukasyong pang-tersarya. Tunay ngang hindi dapat kalimutan ang wikang Filipino dahil ito ay simbolo ng ating pagkakakilanlan. Ito rin ay isang instrumento sa pagpapayabong ng ating kaisipan, kaya't patuloy pang nagsisikap ang mga Pilipino na mapaunlad ang literatura sa ating sariling wika. Sa bansang Indonesya naman ay may laganap na wikang kilala rin bilang Bahasa Indonesya, kung saan ito ay ginagamit nila sa buong bansa ngunit kakaunti pa lamang ang mga sulating nailalathala sa wikang ito. Samantalang ang Singapore ay mayroon nang ipinatupad na English-Knowing Bilingual Policy simula pa noong 1966, na siyang nagmamando sa kurikulum ng mga mag-aaral na kailangan nilang pag-aralan ang Ingles bilang “First Language”, at Chinese, Malay, o Tamil
para sa kanilang “Mother Tongue Language” depende sa pangkat etnikong kanilang kinabibilangan. Iba rin naman ang polisiya sa Malaysia, isa 'din nating karatig bansa, kung saan tuluyan nilang tinanggal ang wikang Ingles bilang panturo sa mga pamantasan.
Polisiya sa Edukasyon ng Singapore
Ayon sa isinulat ni Siew Catherine Chua na pinamagatang “Singapore's Language Policy And Its Globalised Concept of Bi(Tri)Lingualism”, lubos na pinagtutuunan ng pansin ng Singapore ang kanilang stratehiya sa pagkakaroon ng polisiya sa lengguwahe at pagpplano nito sa eduksayon o kanila ding tinatwag na language-in-education planning. Ito ay isa sa mga pinakamahahalagang bahagi sa kanilang sistema ng edukasyon, lalong-lalo na sa kanilang layuning mapaunlad ang kanilang ekonomiya at kaalaman sa aspetong siyentipiko, teknolohiya, at agham. Kahit na ang Ingles ay wikang pang-kolonya sa kanilang bansa, pinili pa rin nila itong gawing lingua franca. Ang kanilang Bilingual Policy ay nagsasad na kanilang gagamitin ang wikang Ingles sa gobyerno, komunikasyon sa paggitan ng magkaibang pangkat etniko, at panturo sa lahat ng kurso at lebel sa paaralan maliban na lamang sa kanilang kursong Mother Tongue. Ngunit sa kabila kanilang pagbibigay prayoridad sa kolonyal na wika sa kanilang bansa, ang Singapore ay kasalukuyang isa sa mga pinakamayaman ata maunlad na bansa sa larangan ng industriya at hanapbuhay sa Timog-Silangang Asya.
Dito pumasok muli sa aking isipan ang binanggit ng isa sa ating mahuhusay na Propesor ng Wika sa Unibersidad ng Pilipinas na si Pamela Constantino. Ani niya, ang wika ay isang instrumento. Ito ay isang instrumento kung saan kaya natin itong imanipula. Tayo ang magdedesisyon kung paano ito gagamitin at pano ito makaaapekto sa atin bilang isang lipunan. Ang implementasyon ng Singapore sa Ingles bilang kanilang lingua franca ay ang kanilang paraan upang mapanatili ang patuloy na pag-unlad ng kanilang bansa. Hinahanda nito ang kanilang mag-aaral na maging matatas sa literasi hindi lamang sa nasyonal aspeto ngunit pati na rin sa global na antas.
Ang pananaw ng Singapore sa wika bilang instrumento ay isa ngang patunay na kung nais nating tumungo sa kaunlaran, kailangan natin matuto humanap ng middle way o kompromiso. Ayon nga kay Andrew Gonzales, ating gamitin ang wikang Ingles hangga’t kailangan natin ito – ngunit hindi nito ibigsabihin na tayo ay magiging pala-asa na lamang sa wikang ito. Tayo ay kailangan nang mamulat na ang ating Wikang Filipino ay tunay ngang napakahalagang simbolo na bahagi ng kakanyahan o pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino. Ngunit kailangan nating matutunan kung ano ang mas matimbang para sa atin. Dahil ‘tila nakalilimutan natin ang tunay nating mithiing mapaunlad ang ating lipunan – na makasabay sa daloy ng mundo sa aspetong akademiko at kalakalan – habang ‘di natin nililimot at inaabandona ang ating sariling wika.
Bumalik tayo sa ating tunay na pakay
Ang ating tunay na pakay ay ang paunlarin ang ating wika kasabay ng ating lipunan. Ngunit kailangan natin aminin sa ating mga sarili na parehong mahalaga ang Ingles at Filipino. Ang dalawang wikang ito ay parehong instrumento na gagamitin natin sa magkaibang paraan. Tayo ay magsulat nang magsulat sa ating sariling wika. Maglimbag ng mga siyentipikong sulatin sa Filipino. Tumangkilik ng mga nobelang nailimbag sa wikang saati’y sumisimbulo ngayong ika-21 na siglo.
Ang ating tunay na misyon ay payabungin ang wikang Filipino sa akademikong aspeto – tayo mismo ang makakagawa ng paraan dito.
Kailangan natin kumilos gamit ang wika. Basahin ang mga likha ng mga Pilipinong manunulat na tunay na makabubukas ng ating isipan, makakapukaw sa ating damdamin, o kaya't makapagbibigay ng aliw sa ating imahinasyon at isipan.
Gamitin natin ang ating kanya-kanyang kakayahan upang makapagbigay ng kontribusyon sa pagpapaunlad ng ating wika at lipunan.
Mga Sanggunian:
Singapore’s language policy and its globalised concept of Bi(tri)lingualism. (2010). Current Issues in Language Planning. https://www.tandfonline.com/doi/abs/10.1080/14664208.2010.546055?src=recsys&journalCode=rclp20
Vitangcol, A. S. (2019, August 17). Ano ang saysay ng wikang Filipino? – The Manila Times. The Manila Times. https://www.manilatimes.net/2019/08/17/opinion/columnists/ano-ang-saysay-ng-wikang-filipino/601294/
Speech of President Quezon announcing the creation of a National Language, December 30, 1937 | GOVPH. (1937, December 30). Official Gazette of the Republic of the Philippines. https://www.officialgazette.gov.ph/1937/12/30/speech-of-president-quezon-announcing-the-creation-of-a-national-language-december-30-1937/
Rommel Rodriguez. (2016). Sa Madaling Salita: Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa [YouTube Video]. In YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=KH-UFAt--To
Yong, J. (2019, October 27). From a child’s perspective, arguing that they have to master mother tongue because of economic or cultural reasons cuts no ice, says mum June Yong. CNA; CNA. https://www.channelnewsasia.com/news/commentary/mother-tongue-language-bilingual-education-parenting-learning-12027710
Anna Rica Rodriguez. (2018, September 26). Mga Tanyag na Manunulat sa Larangan ng Panitikang Filipino. Insidemanila.Ph. https://insidemanila.ph/article/755/mga-tanyag-na-manunulat-sa-larangan-ng-panitikang-filipino
Comments